Friday, December 7, 2012
Eh Kung Maglaro Nalang Tayo
Ayon sa ilang politiko,ang pagpapatayo daw ng mga basketball
courts ay isang “worthy investment”. Nailalayo raw sa droga at nagiging disiplinado
ang mga kabataan. Nagkakaroon din ng healthy lifestyle ang mga kabataan sa paglalarong
basketball. Kabaliktaran ata ito sa mga nakalaro ko noon: payatot na mukhang adik,
mura ng mura at hindi marunong mag-bayad ng pusta. Worthy investment nga! Mura
lang naman kasi ang mga basketball court kumpara sa ibang mga pwedeng proyekto.
Hindi ito katulad ng kalinisan ng komunidad at ng mga kalsada na mumurahin mo
sa mahal ng maintenance. Mas mura rin ito kaysa magpatayo ng ospital o ng paaralan.
Minsan nga mas state-of-the-art pa ang basketball court kaysa sa mga health
centers at classrooms: Covered court na may ilaw, rubberized na sahig,
spring-loaded ang rims at fiberglass na backboard. Kadalasan, kabaliktaran na man ang makikita mo paglabas
sa napakagandang basketball court: Mga taong walang sariling tirahan;
Nakakabwisit na lubak-lubak na kalsada; Nabubulok na ding-ding at kisame ng mga
classrooms sa mga paaralan at mga saradong health centers dahil walang gamot at
doktor.
Hindi
maiinom ang mga fiberglass na board.Hindi makakain ang mga rubberized na sahig.
Imbes na murang gamot at mga serbisyo na kailangan ng komunidad, basketball ang
nai-aabot sa atin ng mga oportunistang politiko na ikinatutuwa naman natin.
Hindi na nakapagtataka na basketball country nga ang Pilipinas. Worthy
investment! Worthy rin ang kanilang mabubulsa. Ginagamit ng mga tiwali at korap
na politiko ang basketball para sila ay maging tanyag sakanyang mga nasasakupan.
Dinadaan nila ito minsan sa mga basketball tournament kung saan tuwang- tuwa tayo.
Minsan, kahit meron pa namang maayos na court ay nagpapatayo pa ng isang
basketball court naanimo’y walang ibang gamit ang pondo. Hindi natin alam na
minamanipula na pala tayo ng mga politikong ito. Mas natutuwa sila kapag tayo
ay masayang naglalaro o nanunuod ng bastketball dahil sa bawat kasiyahan natin
ay malaking bahaging kaban ng bayan ang nasamsam, nasasamsam o masasamsam nila.
Minsan
makikita mo silang nakaplaster sa mga poster or tarpaulin ang mga mukha nila at
pangalan o ‘di kaya naman may mga kanta sila na paulit-ulit na
pinapatugtog sa radyo. Nakaka-LSS ang
mga kanta nila minsan dahil catchy at madaling matandaan ang lyrics.Pero kung
gusto mo ng mas entertaining, meron ding iba na gumagawa ng mga music video.
Kasama sakanilang tarpaulin, theme song o ang mga pang-Hit Chart nilang mga
music video ay ang mala-MVP nilang mga achievements. Kilo-kilometro na kalsada
na raw ang kanilang naipagawa, mga bagong classrooms na naipatayo, libu-libong
scholarships para sa mga mahihirap na estudyante, mga malalaking ospital at
marami pang iba pang ka-epalan. Teka, kailangan ba dapat ay buong bayan ang
nakakaalam? Syempre, sino ba naman ang hindi matutuwa sa mga pa-basketball sa
barangay. Kahit papaano nakakalimutan natin ang mga problema habang tayo ay
nanunuod ng mga takbuhan at mainit na laban sa hardcourt. Nakakalimutan rin
natin ang mga atraso ng mga buwayang ito.
Malalaki-laki
na rin ang lamang nila saatin. Kung sa isang laro, natambakan na tayo.
Natambakan na tayo ng sandamakmak na problema dahil sakanilang pagiging buwaya.
Mas lalo tayong nalulugmok sa kahirapan.
Ang paggamit
ng mga politiko sa basketball upang manipulahin ang taumbayan ay isa lamang sa mga
‘di mabilang na taktika nila kung paano sila mananalo ng kapangyarihan at
kayamanan. Sila rin ang mga best player sa pagtapal at pagharang sa ating mga
lay- up para sa kaunlaran. Kahit ilang beses tayo magthree-points, andyan sila para
supalpalin lahat ng tira natin. Sila na, sila na ang Most Valuable Player! Mga buwaya
rin sila na hindi marunong tumingin sakanilang paligid at sila lang ang gustong
umiskor para sa katanyagan. Kailangan natin ng ala-Kobe Bryant na spin move at
crossover para lusutan at matalo sila ng sagayon ay matapos ang kanilang
winning streak na nagpapalubog saatin sa kahirapan. Eyes to the ball! Kailangan
natin silang bantayan at huwag hayaang makalusot pang muli. Kailangan natin
silang harapin at umiskor para sa kaunlaran gaano man sila katangkad at
kalakas. Dahil sa mga MVP na mga politikong ito ay best record na naman tayo sa
Asya. Wow, another Asian record! Kabilang tayo sa mga pinakatiwaling bansa
saAsya at sa buong mundo.
Maglaro na lang tayo!Pero dapat manalo na tayo ngayon kasi bansa natin ang nakapusta dito.Hindi na pwede ang maging lampa. Hindi na pwedeng magbulag- bulagan pa.Bantayan ang kanilang mga galaw at baka nandadaya nanaman sila.
Subscribe to:
Posts (Atom)