Friday, December 7, 2012

Eh Kung Maglaro Nalang Tayo


Disclaimer: Hindi po ako ang nagsulat nito. Si Leo Sirios po at opo. pangalan nya po yan haha. This article was made for Budyong, the official student publication of Bicol University College of Arts and Letters. Enjoy!!


Trivia: Pilipino ang unang naglaro ng basketball sa Asya. Maniwala ka rin sa hindi, Pilipinas ang may pinakamagandang record sa Asya pagdating sa international basketball competitions– Olympics at FIBA World. Best Asian record tayo sa Olympics, fifth place noong 1936 sa Berlin, Germany. Astigin rin ang record natin sa FIBA world, third place noong 1954. Kahit halos kasing- tanda na ng mga lolo o tatay natin ang mga records na yan, at least Pinoy records yan! Kahit ang mga higanteng Iranian, Chinese at Korean teams ay hindi nagawang basagin yon. Kaya ba yan gawin ng team China kasama si Yao Ming? Pupusta ka ba na mabubura yun ni Jeremy Lin kung sakaling makapaglaro siya sa Taiwanese basketball team? Ako pupusta! Nakapaglaro na uli ang Pilipinas sa Olympics wala pang Asian team ang nakakatalo sa mga records natin. Pustakobente!


            Syempre di namawawala diyan ang mga alamat ng Philippine Basketball. Nariyan si Carlos Loyzaga na susi sa makasaysayang third place finish sa FIBA World Championship noong 1954; Allan Caidic na tinaguriang deadliest shooter in Asia at si Robert Jaworski na binansagang “Living Legend” dahil na rin siguro sa tagal ng paglalaro niya sa PBA na umabot ng 25 years at dahil rin kabilang siya sa last Olympic basketball team ng Pilipinas noong 1972 Munich Olympics. Marami pa sila sa totoo lang. Kasamana diyan si Governor, Congressman at Mayo…r. (Rewind effect) Uy teka lang, ba’t kasama sila?!!!Balik tayong Pilipinas! (Star Trek phaser effect) 


               Siguro naman hindi na trivia kung sabihin ko na lahat ng baranggay sa Pilipinas may sariling basketball court. Hindi pa dun kasama yung mga homemade basketball court na makikita sa mga bahay. Kung bibilangin lahat ng basketball court sa isang barangay baka abutin ka ng maghapon. May mga malalaki at maliit na court, may half-court at full-court, may covered-court at open-court, may mga court na ang rim ay nakapako lang sa punong-niyog. Basta maraming klaseng basketball court. Minsan nga ‘di mo aakalain na basketball court pala ‘yun. Hindi lang palaruan ang silbi ng mga iyan, multi-purpose ang mga court sa Pilipinas. Basketball. It’s More Fun In The Philippines!


                Hindi lang pang-basketball ang gamit ng mga basketball courts. Ginagamit din ito bilang venue kung sakaling may mga programa sa barangay o sa munisipalidad, tulad ng graduation ceremonies, medical mission, JS Prom, boxing match,singing contest at gay pageant. Pwede ring evacuation center, temporary classroom at venue ni governor, mayor o ni congressman pagmangangampanya sila para sa darating na eleksyon. Paulit-ulit mong matirinig ang mga katagang: “Pinatayoko kayo ng basketball court para sa ating mga kabataan!”  Paminsan, mababasa mo nalang ito sa isang sulok ng basketball court, “Barangay Dos Por Dos Basketball court– A Project of Governor (or mayor) Juan De La Cruz”.

            Hindi na rin siguro trivia kung sabihin kong kulang na kulang tayo sa mga pasilidad at serbisyo na kailangan ng mga mamamayan.Kulang ang bansa natin ng mga health centers na tutulong sa mga mahihirap may sakit at walang pera nating mga kababayan. Alam rin natin na halos magsiksikan na ang mga estudyante sa mga pampublikong eskwelahan dahil sa kakulangan ng mga classrooms. Kung may kakulangan sa mga classrooms at iba pang pangangailangan ng mga mag-aaral, may kakulangan din tayo sa mga guro na magiging coach ng mga estudyante para ihanda sila sa mga laban na kanilang kakaharapin. Sa kabilang banda, may mga oportunistang politiko ang nakikipag-basketball sa mga mamamayan na hindi tapat para sa mga mamayan at mas iniisip  ang pansariling interes.Marami-rami na ring steals ang nakuha nila saatin. Kelan kaya tayo makaka-rebound?

            Ayon sa ilang politiko,ang pagpapatayo daw ng mga basketball courts ay isang “worthy investment”. Nailalayo raw sa droga at nagiging disiplinado ang mga kabataan. Nagkakaroon din ng healthy lifestyle ang mga kabataan sa paglalarong basketball. Kabaliktaran ata ito sa mga nakalaro ko noon: payatot na mukhang adik, mura ng mura at hindi marunong mag-bayad ng pusta. Worthy investment nga! Mura lang naman kasi ang mga basketball court kumpara sa ibang mga pwedeng proyekto. Hindi ito katulad ng kalinisan ng komunidad at ng mga kalsada na mumurahin mo sa mahal ng maintenance. Mas mura rin ito kaysa magpatayo ng ospital o ng paaralan. Minsan nga mas state-of-the-art pa ang basketball court kaysa sa mga health centers at classrooms: Covered court na may ilaw, rubberized na sahig, spring-loaded ang rims at fiberglass na backboard. Kadalasan,  kabaliktaran na man ang makikita mo paglabas sa napakagandang basketball court: Mga taong walang sariling tirahan; Nakakabwisit na lubak-lubak na kalsada; Nabubulok na ding-ding at kisame ng mga classrooms sa mga paaralan at mga saradong health centers dahil walang gamot at doktor.

                 Hindi maiinom ang mga fiberglass na board.Hindi makakain ang mga rubberized na sahig. Imbes na murang gamot at mga serbisyo na kailangan ng komunidad, basketball ang nai-aabot sa atin ng mga oportunistang politiko na ikinatutuwa naman natin. Hindi na nakapagtataka na basketball country nga ang Pilipinas. Worthy investment! Worthy rin ang kanilang mabubulsa. Ginagamit ng mga tiwali at korap na politiko ang basketball para sila ay maging tanyag sakanyang mga nasasakupan. Dinadaan nila ito minsan sa mga basketball tournament kung saan tuwang- tuwa tayo. Minsan, kahit meron pa namang maayos na court ay nagpapatayo pa ng isang basketball court naanimo’y walang ibang gamit ang pondo. Hindi natin alam na minamanipula na pala tayo ng mga politikong ito. Mas natutuwa sila kapag tayo ay masayang naglalaro o nanunuod ng bastketball dahil sa bawat kasiyahan natin ay malaking bahaging kaban ng bayan ang nasamsam, nasasamsam o masasamsam nila.

                 Minsan makikita mo silang nakaplaster sa mga poster or tarpaulin ang mga mukha nila at pangalan o ‘di kaya naman may mga kanta sila na paulit-ulit na pinapatugtog   sa radyo. Nakaka-LSS ang mga kanta nila minsan dahil catchy at madaling matandaan ang lyrics.Pero kung gusto mo ng mas entertaining, meron ding iba na gumagawa ng mga music video. Kasama sakanilang tarpaulin, theme song o ang mga pang-Hit Chart nilang mga music video ay ang mala-MVP nilang mga achievements. Kilo-kilometro na kalsada na raw ang kanilang naipagawa, mga bagong classrooms na naipatayo, libu-libong scholarships para sa mga mahihirap na estudyante, mga malalaking ospital at marami pang iba pang ka-epalan. Teka, kailangan ba dapat ay buong bayan ang nakakaalam? Syempre, sino ba naman ang hindi matutuwa sa mga pa-basketball sa barangay. Kahit papaano nakakalimutan natin ang mga problema habang tayo ay nanunuod ng mga takbuhan at mainit na laban sa hardcourt. Nakakalimutan rin natin ang mga atraso ng mga buwayang ito.

               Malalaki-laki na rin ang lamang nila saatin. Kung sa isang laro, natambakan na tayo. Natambakan na tayo ng sandamakmak na problema dahil sakanilang pagiging buwaya. Mas lalo tayong nalulugmok sa kahirapan.

                 Ang paggamit ng mga politiko sa basketball upang manipulahin ang taumbayan ay isa lamang sa mga ‘di mabilang na taktika nila kung paano sila mananalo ng kapangyarihan at kayamanan. Sila rin ang mga best player sa pagtapal at pagharang sa ating mga lay- up para sa kaunlaran. Kahit ilang beses tayo magthree-points, andyan sila para supalpalin lahat ng tira natin. Sila na, sila na ang Most Valuable Player! Mga buwaya rin sila na hindi marunong tumingin sakanilang paligid at sila lang ang gustong umiskor para sa katanyagan. Kailangan natin ng ala-Kobe Bryant na spin move at crossover para lusutan at matalo sila ng sagayon ay matapos ang kanilang winning streak na nagpapalubog saatin sa kahirapan. Eyes to the ball! Kailangan natin silang bantayan at huwag hayaang makalusot pang muli. Kailangan natin silang harapin at umiskor para sa kaunlaran gaano man sila katangkad at kalakas. Dahil sa mga MVP na mga politikong ito ay best record na naman tayo sa Asya. Wow, another Asian record! Kabilang tayo sa mga pinakatiwaling bansa saAsya at sa buong mundo.

Maglaro na lang tayo!Pero dapat manalo na tayo ngayon kasi bansa natin ang nakapusta dito.Hindi na pwede ang maging lampa. Hindi na pwedeng magbulag- bulagan pa.Bantayan ang kanilang mga galaw at baka nandadaya nanaman sila.
Wag matakot umiskor para sa kaunlaran!
Kung magpapatalo pa tayo, lalo tayo malulugmok sa kahirapan.
Mahirap kung magre-rematch nanaman, pagod ng manuod ang karamihan.O ano, game?
Leo P. SiriosJr


No comments:

Post a Comment